Masilayan, masulyapan,
makita, maaninag, mamasid, matingnan, maisalarawan at masaksihan. Iyan ang nais
kong gawin ngayon. Kung pwede lang sana.
Masaya ako pag kausap kita. Pag naririnig ko ang boses
mo, para bang tumitigil bigla ang mundo ko. Kaso hanggang dun na lang yun.
Lagi kitang naiisip at naaalala. Walang segundo, minuto,
oras at araw ang lumilipas na di ka sumasagi sa isip ko. Nababaliw na nga ata
ako, pero iyon ang totoo. Alam ko namang hindi kita dapat isipin pero di
mapigilan ng isip at puso ko na ikaw ay alalahanin. Kahit naman gusto ko, hindi
kita maiwaksi sa utak ko. Nahihirapan ako alam mo ba yun? Pero ang hirap mo
talagang kalimutan, at tila ayaw ng umalis ng pangalan mo sa sistema ko. Parang
di na ako mabubuo pag nawala ka sa buhay ko.
Kahit na anong tago’y nalabas pa rin. Pigilan ko ma’y
lumalaban pa rin. Iyan ang nadarama kong pag-ibig para sayo. Pag-ibig na nais
ko na lamang sanang patayin, ilibing at limutin, ngunit napakahirap gawin.
Pag-ibig! Ano ba’t bigla akong dinapuan! Bakit ba ngayon
pa at sa di pa katanggap tanggap na kapanahunan? Bakit sa tao pang di dapat
pagtuunan?
Mali ba ang ako’y umibig sayo? Kasalanan bang maramdaman
ko ito? Wala na akong ibang nagawa pa ng dapuan ako nito kundi ang tanggapin
ang sakit na kahihinatnan ko.
Ikaw lamang ang nais ko, ang tanging pangarap ko’y walang
iba kundi ikaw. Kung pwede lang talaga, kung pwede lang sana. Gusto ko namang
ipagsigawan sa mundo na mahal kita. Pero hindi na pwede.
Sana totoo ang muling pagkabuhay sa ibang katauhan. Sa
pagkakataong iyon, luluhod ako at hihiling sa Panginoon na sana, tayo naman,
tayo na lang, at tayo na lang lagi.
Inna
----------------------------------
Love letter na ginawa ko para sa Filipino subject namin last semester. Obviously, para sayo to ...
No comments:
Post a Comment