Ilang araw na akong pinapansin ng kaklase ko sa school. Alam kong matagal niya ng namamasid, pero ngayon niya lang naisipang sabihin. Tuwing uwian, bilang babae, pumupunta kami sa cr. Syempre .. paganda, re-touch, powder, suklay, make-up ...sila. Ako hindi. Hindi naman kakaiba to dahil noon pa man hindi na talaga ako natutong mag-ayos ng sarili ko. Kaunting powder at suklay, ok na ko. Pero bakit niya ako pinansin? Kasi .. mayroon akong kakaibang ginagawa (para sa kanya at sa kanilang mga nakakakita ..) ...hindi ako naharap sa salamin.
Noon pa mang highschool ako, mayroon na akong kakaibang takot sa salamin. Mapamalaki o maliit, takot ako. Noong nasa Muntinlupa pa nga ako, mas malala dahil kahit minsan sa loob ng isang taon na yun hindi ko inaninag ang sarili ko sa salamin. Buti nga ngayon e, pag nandito sa bahay natututo na akong harapin ang sarili kong reflection kahit na sandali lang at pahapyaw lamang.
Bakit ganun? Oo, tingin ko nga abnormal ako .. pero may takot talaga akong nararamdaman e. Isipin mo na lang, papasok ako ng girl's cr, e syempre malaki ang salamin at hindi pwedeng di ka titingin dun bago ka man lamang pumasok ng cubicle. Kaya ang style ko, yuyuko ako o kaya naka-focus lang ang tingin ko sa pinto ng mga cubicles, maiwasan lang ang nakakatakot na bagay na iyon. Hindi lang takot ... kundi matinding pandidiri sa sarili ko ang nararamdaman ko.
Kahapon, tinanong ako ng isa ko pang kaklase kung bakit lagi akong nasa labas lang ng cr. Tapos sumabat ang isa na takot ako sa salamin. Tapos nagtanong ulit siya, tanong niya, e pano pag nagpapowder ako, di ko nakikita ang sarili ko. Sabi nung sumabat, baka naman minsan nananalamin ako ... ayoko lang ng malaking salamin. Ngumiti lang ako bilang pagtugon. Mali siya. Pag nagpa-powder ako, di ko na kailangan ng salamin dahil may talento ako sa pagpapahid nun sa mukha ko ng di na kailangang magtanong o tumingin sa salamin. Ang totoo, mas maliit ang salamin, mas takot ako. Mabuti pa nga ang malaking salamin e, at least di sobrang close up ang mukha ko at may ibang bagay pa akong nakikita bukod sa sarili ko. Sa maliliit na salamin, sakto lang ang mukha ko ... tamang tama lang para takutin ako.
Hindi ko sinasabi to bilang biro o katatawanan. Hindi rin naman ito ganun kaseryosong bagay. Hindi ako nagbibiro ng sabihin kong natatakot akong makita ang mukha ko. Totoo yun. Lagi akong takot na makita ang kapangitan ko. Tuwing masisilayan ko ang mukha ko, naiinis ako. .. at nahihiya akong humarap sa mga tao. Buti na lang talaga magaling ang pagkakagawa sa tao .. hindi niya makikita ang sarili niya. Pero napakalupit ng umimbento ng salamin. Hmm .. well naisip ko naman na ang talino niya rin naman talaga, kung sino man siya .. dahil gumawa siya ng isang bagay na nagpapakita at nagpapamukha ng realidad. Kung hindi mo nga naman nakikita ang sarili mo, mabubuhay ka sa ilusyong maganda ka ... pero dahil may salamin, alam mo kung san mo lang ilulugar ang sarili mo. Ang salamin ay isang instrumento na gumigising sa mga diwang naliligaw. Hindi nito hinahayaang mamuhay tayo sa kasinungalingan. Kung walang salamin at kung tatanungin natin ang mga tao sa paligid na sadyang ipinanganak na mga sinungaling kung ok tayo, malamang isasagot nila ang nais natin marinig. Di tulad ng salamin. Di na kailangan ng salita, isa itong piping saksi at tagasiwalat ng katotohanan. Katotohanan na .. pilit kong tinatakasan.
Alam ko namang pangit ako, pero hindi ako sigurado kung talagang natanggap ko na iyon. Tingin ko hindi pa. Pero tingin ko oo. Hindi ko alam. Tingin ko hindi pa kasi takot akong makita, pero tingin ko oo dahil nga takot akong makita .. ibig sabihin inilulugar ko ang sarili ko sa tama kong paglagyan. Ang ibig kong sabihin ... ang salamin ay ginawa para ipakita ang totoo sayo .. na kung maganda ka, may karapatan kang titigan ang sarili mo ng matagal .. pero kung pangit ka .. wag ka ng mag-abala pang tingnan dahil masasaktan ka lang.
Parang ganito ang naging 'rule' ko sa buhay ko. Ang maaari lang tumingin sa salamin sa paaralan ay yun lamang magagandang nilalang. Ang pangit na tulad ko, walang karapatang gumamit ng make-up, isang pagnanakaw ng sandali ang paglalagay ng powder sa mukha, ang magsuklay ay isang walang kwentang bagay dahil kahit anong gawin ko, di na ako gaganda. Hindi kailan man. Mamamatay akong pangit sa paningin ng lahat. Noon ayokong tanggapin ito, pero nung napansin ko na lahat ng tao ito ang sinasabi, natauhan na ako. Iisang tao lang naman ang nagsabi na maganda ako .. at ang sinungaling na iyon ay walang iba kundi si Yen. Oo siya, pero ok lang .. salamat sa kasinungalingan niya. Hanga ako sa kanya, dahil kahit na sinungaling ang isang tao, mahirap pa ring magbitaw ng kasinungalingan na magpapagaan ng loob ng iba. Pero siya, buong tapang niyang sinabi yun. Alam niyang di ako maniniwala .. pero sinabi niya yun para pagaanin ang loob ko.
Alam kong hindi tama itong mga sinasabi ko .. pero kayong magaganda na nakakabasa nito, hindi niyo alam ang pakiramdam na maging pangit. Sana kung alam niyong pangit ang isang tao .. wag niyo na lang saktan .. wag niyo ng ipamukhang pangit siya o kaya naman wag ka ng maging sarcastic o wag ka ng magsinungaling. Wag ka na lang magsalita. Hayaan mo na lang siyang mamuhay ng parang normal. Hindi na kailangan pang ipagdiinan at pansinin pa ang itsura ng mga tulad ko .. dahil alam namin iyon. Hindi kami bobo para di malaman ang realidad na iyon.
Kailan kaya ako gaganda? Ilabas natin ang usaping simbahan at ang panloob na kagandahan. This is purely physical. Kailan kaya ako magkakaroon ng karapatang gumamit ng make-up? Kailan kaya ako makakapag-lip balm man lang ng di pinapansin ng iba? Kailan kaya ako makakaharap sa salamin at makakapagsuklay man lang ng di ako pinagtitinginan ng mga tao na tila ba sinasabi ng mga mata nila na hindi ko maaaring gawin iyon lalo't andun sila. Kailangan kaya mawawala ang mga insecurities kong ito sa katawan?? Bakit ba .. bakit ba ako ganito ...
Kailan kaya ako gaganda? Ilabas natin ang usaping simbahan at ang panloob na kagandahan. This is purely physical. Kailan kaya ako magkakaroon ng karapatang gumamit ng make-up? Kailan kaya ako makakapag-lip balm man lang ng di pinapansin ng iba? Kailan kaya ako makakaharap sa salamin at makakapagsuklay man lang ng di ako pinagtitinginan ng mga tao na tila ba sinasabi ng mga mata nila na hindi ko maaaring gawin iyon lalo't andun sila. Kailangan kaya mawawala ang mga insecurities kong ito sa katawan?? Bakit ba .. bakit ba ako ganito ...