Makailang ulit na akong nagtangka noon na isulat ang nararamdaman ko pagkatapos ng lahat ng nangyari sa atin. Pero sa tuwing darating ako sa puntong katulad nito, napapaatras ako, katulad na lang ngayon. Naiisip ko bigla, bakit pa? Para san pa? Hindi mo na ako mahal diba? At ano naman nga bang mapapala ko pag sinulat ko pa to? Ah oo, para mai-release ko kung ano man ang mabigat sa dibdib ko, para masabi ko sa pamamagitan nito ang lahat ng hindi kayang intindihin at bigyang panahon na pakinggan ng mga "kaibigan" ko. Alam mo, ga, nalulungkot talaga ako. Sobra. Nahihirapan na akong magtiwala sa iba. Marami man akong nakakausap at nakakasama sa araw-araw, pero alam ko na wala sa kanila ang makakaintindi sakin. Na sa tuwing susubukan kong maging bukas sa kanila, lagi kong nararamdaman na rejected ako. Na alam mo ba, never kong nadama sayo. Ga, bakit mo ko iniwan? Alam ko para kong tanga sa mga sinasabi ko, napaka desperada ko, napakatanga ko. Lahat na! Pero ga, kasi naman e. Hindi naman ako nawalan lang ng kasintahan eh. Nawalan din ako ng kaibigan. Bakit ikaw lang ang kilala kong ganyan? Bakit ikaw lang ang naglakas loob sa tanang buhay ko na kilalanin ako? Bakit ikaw lang ang willing makinig?
Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ituloy tong ginagawa ko. Natatakot ako na one day pagsisihan kong sinabi ko lahat to. Pero sa tuwing maaalala ko kung paano mo ako tiningnan kagabi, mas lalo kong gustong sabihin lahat ng nararamdaman ko. Nakakainis maging babae, napaka emotional. Emotional na wala naman sa lugar, emotional na nawawalan naman ng saysay ang pag-e-emote. Bahala na, andito na ko eh.
Ga, alam mo bang nakalimutan na kita? Noon halos araw-araw, oras-oras, minu-minuto ng buhay ko naiisip kita. Tapos unti-unti nakakayanan ko ng hindi ka maisip ng isang araw, tapos naging isang linggo, isang buwan, isang taon, hanggang sa hindi na kahit minsan. Nakalimutan ko na ang mukha mo, nakalimutan ko na ang boses mo. Lumipas ang dalawang taon at tatlong buwan na naramdaman ko namang naging malaya ako sayo. Alam mo ba kanina, noong una kitang makita, wala akong naramdaman. Hindi tulad noon na pag nakikita kita, nasasaktan ako, namimiss kita ng sobra, gustong gusto kitang lapitan, gustong gusto kitang kausapin. Pero kagabi? Wala. As in wala. Walang halong biro. Strangers again ika nga. Bagamat nagulat ako na andun ka...well expected ko na andun ka, more on, nagulat ako na nakita kita tapos wala akong nadama... pero nagulat pa rin ako kasi bigla kitang nasalubong, nakatingin ka sakin, kahit hindi kita tiningnan nakita ko at nadama na nakatingin ka sakin, at sa lahat ng place dun pa kita sa parking lot makakasalubong.... ang galing diba? Ganda ng scene. Halatang sinadya mo. And best part doon, nakita mo akong may kasamang lalaki. Ibang lalaki. Ang masaya pa dun alam mo? Umayon ang lahat ng pangyayari sa akin. May kasama akong lalaki the whole night and day na hindi ako nilubayan at iniwan. Masaya ako, nakakayanan kong mag stay kahit 1 meter away sayo ng walang mabigat na feeling.
Tapos nung umupo ako sa center island, kasama ang lalaking sinasabi ko at isa pang kaibigan, masayang masaya akong nakikipagkwentuhan sa kanila, na para bang hindi kita nakita, na para bang wala ka dun sa lugar na yun. Alam mo bang napakasaya ko nun? Kasi ganun pala ang maging malaya sayo. Yung wala na talaga akong pakialam, parang bumalik ako sa pagiging normal na tao. Then all of a sudden bigla kitang makikita, mga 5 meters away sa harap ko, nakatitig ka sakin na alam mo yun? Yung expression ng mukha mo? Ganun na ganun nung huling araw na sinabi mong mahal na mahal mo ako. Na para bang sinasabi ng mga mata mo na, "Bakit, Ga? Bakit may iba ka ng kasama? Hindi mo na ba ako mahal?" Hindi ko alam kung feelingera lang ako, assuming kung baga. Pero ga, tingin ko hindi nagsisinungaling ang mga titig mo na hindi mo inalis sa akin, kahit tinigilan na kitang tingnan. At kung ang purpose mo ay saktan ulit ako, congrats dahil nagtagumpay ka. Ga naman eh. Alam mo naman na kahinaan kita. Tapos tititigan mo ako ng ganun? Alam mo namang wala ng tayo diba? Hindi mo ba gusto na lumigaya ako? Hindi mo ba gusto na maging malaya at masaya ako? Ga, sobrang selfish mo na. Lagi mo na lang akong pinahihirapan. Tapos biglang lalakad ka pa sa harap ko, na tila ba nagpapapansin ka talaga. Ginagawa ko na nga lahat para iwasan ka, tapos lalapit ka pa? Kung saan kami tumambay, doon ka rin nakaupo malapit sa amin. Daan ka ng daan sa harap ko, tingin ng tingin. Alam ko pag ganun ka eh... ganun ka pag gusto mo akong kausapin. Katulad nung tayo pa, pag may kasama akong ibang tao, magpapapansin ka sa harap ko para ipaalam na mag usap tayo. Alam mo, mabuti na lang medyo malandi yung kasama kong lalaki. Pag daan mo, sakto naman na anglalambing siya at ikinuskos ang maliliit niyang facial hairs sa braso ko. Ang galing mang-asar ng pagkakataon ano? Naaalala mo ba, na yun ang paborito kong hawakan sayo noon? Tapos ibang lalaki na ngayon. Pakiramdam ko nung mga oras na yun, nakaganti na ko sayo. Sa lahat ng sakit na idinulot mo sa puso ko...
Pero alam mo ga, napaiyak ako later on, nung umaga ding iyon. Naiyak ako nung makita kita sa di kalayuan, nakatingin ka sa direksyon kung nasan ako, matagal kang nakatayo, nakatapat sa akin. Tapos sa pagtalikod mo, para bang sinasabi mong sumusuko ka na sa paghahangad na makausap ako, na wala na nga talagang patutunguhan to.
Alam kong ilang ulit ka ng gumawa ng paraan para lapitan at kausapin ako, pero sa tuwing nangyayari yun, inilalayo ko ang sarili ko. Ga, sana naman naiintindihan mo. Nasaktan ako. At alam ko na kung kakausapin mo ako, for closure na lang yun kasi never na tayo pwedeng maging tayo ulit. At ayoko nun. Mas gusto ko na lang isipin na namatay ka na, na nawala ka na lang ng parang bula sa buhay ko. Ayoko ng na ng kahit na anong koneksyon sayo. At alam mo ba, ayun ang iniyak ko nung umagang yun. Kasi alam kong mabilis kang sumuko, na iyon na ang huling pagkakataon na ita-try mong lapitan at kausapin ako. Ang nakakaiyak na part, masakit sakin na hindi i-grab ang pagkakataon. Pero kasi, para san pa? Papahirapan ko lang lalo ang sarili ko pag ginawa ko yun diba. Wala na ang pagkakataon para sabihin ko sayo na kahit kailan di naman nawala ang pagmamahal ko sayo. Mahal kita ga, pero hindi na sapat ngayon ang pagmamahal ko para hayaan ko uling saktan mo ako. Tama na yun noon, ayoko ng maulit pa kasi mahirap. Tsaka masaya na ako ngayon, at alam kong masaya ka na rin ngayon. Kaya sana, kung anumang meron tayo noon, kalimutan na natin yun. At kung anumang meron satin ngayon, panatilihin na lang nating ganito, dahil wala ng point na mag-usap at magkaayos pa tayo. Sapat na sakin ang magagandang alaalang iniwan mo, at lahat ng aral na natutunan ko mula sayo.
Sana, sa muli nating pagkikita, totally healed na ang puso ko. Meaning, patay na siya sa pag-ibig sayo. Sana hindi na ko iiyak ulit katulad nung huli. Alam kong darating ang oras na paglalaruan tayo uli ng tadhana, at hinahanda ko na ang sarili ko. Para naman sa pagkakataong yun, mapakita at mapatunayan ko sayo, na minsan lang ako masasadlak sa pagkabaliw sayo, pero hinding hindi ko na hahayaang maulit pa uli iyon.