Nagsimula ang araw sa isang kaswal na pagkikita-kita. Bagamat maagang nagsidating ang mga Paulie, tila ba walang ibang mangyayari sa araw na ito. Natural na hinarap ng lahat ang araw na ito, kinabahan sa assignment test sa Pisika, nangatog sa Chapter Test sa Matematika, nagkapikunan sa grupong quiz bee sa Ekonomiks at pagod na umakyat upang magmadali sa pagpasok sa subject na English. Parang wala lang hindi ba? Ngunit makalipas lamang ang ilang oras, sa ganap na katanghalian, magsisimula na ang lahat.
Wala namang isang malaking pasabog o iskandalo ang magaganap. Isang natural na aktibidad lamang ito sa halos na lahat ng mga estudyante, ang kaibahan lamang, para sa mga nalalapit ng magsipagtapos, ito ay isang seryosong bagay, sapagkat ito na ang huling pagkakataon upang gawin iyon.
Isang palabas, na itinanghal ng isang klase sa ikaapat na taon ang magaganap sa hapon. Lahat ay naghahanda, lahat ay kinakabahan. Ano ang kahihinatnan nito? Handa na ba ang mabilisang paghahanda?
Nag-umpisa ng magbalot-balot at sa sandaling panahon ay nagpaalam na muna kami sa aming silid-aralan. Kami ay nagtungo na sa ibaba (dahil nasa ikaapat na palapag ang aming silid), makikituloy sa ibang silid. Doon namin inihanda at inilagay ang lahat n gaming mga gagamitin para sa isang espesyal na pangyayari mamaya.
Sa una, mukhang walang balak na magsigalaw ang lahat, ngunit ng maglaon ay isa-isa ng nagsikilos ang bawat indibidwal. Inumpisahan ng ayusin ang mga gagamiting “props” para mamaya. Inaayos na rin pati na ang gagamiting kurtina na pinagtulong-tulungan hindi lamang ng mga lalaki kundi pati na mga kababaihan. Sa loob naman ay nanduon ang nagsisipaghandang mga artista, na kinakabisa ang kani-kanilang mga linya. Jahe nga naman kung sa mismong pagsasadula na magkamali.
Sandyang napakabilis ng pagtakbo ng oras, di ko namalayan na iilang minuto na lamang ay magsisimula na ang aming pagsasadula. Kasama ko pa si Pam noon sa computer room para tapusin ang mga sounds na kailangan niya. Paglabas, basang basa man ako sa ulan, hinanap ko si Elen upang sabay na kaming magbihis. Sa restroom kami unang tumungo, nag-ayos naman kami ng aming mga sarili sa hiniram na silid. Nagtataka pa ako kung bakit dadalawa lamang kaming busy. Oo nga pala, tatlong babae lamang ang pangunahing karakter, ang isa na si Jellie ay nakapagbihis na. Nakakatuwa nga dahil si Elen ang nag- make up ng aking mukha. Sina Bea, Arianne at Laura naman ang nag-ayos ng aking buhok at damit. Napakabuti nila.
Huli na sa oras ng mag-umpisa kami. Inip na inip na ang mga manunood namin. Iyon ay dahil di kami maaaring magsimula ng wala si Aldrin na siyang gaganap na Rizal sa unang bahagi. Napakatagal naming siyang hinintay at nagtatalo talo pa ang ilan. Nang dumating siya, isinantabi muna ang init ng ulo, at kami ay nagsimula na.
Nakatigil lamang ang mga kasama sa ‘frame’. Hindi namin alam na napakahaba pala ng talumpati ni Aldrin. Ngawit na ngawit na kami. Sana pala di muna kami kasama sa unang bahagi. Pero wala ng magagawa, tapos na eh. nag-umpisa na ang totoong ‘frame’ matapos ang ‘speech’. Kabado ako dahil baka ako’y magkamali sa kakarangkot kong linyang “Juanito Mi Amor!”. Buti na lamang ay nagawa ko ito ng maayos.
Ilang saglit lang, nasa huling bahagi na kami. Tila ba isang napakahabang serye ang aming ginagawa sa tuwing kami ay nagsasanay, pero sa mismong pagtatanghal, sandali na lamang. Naging maayos ang aming dula. Tumawa ang mga manunood sa mga nakakatawang bahagi, nalungkot at nagulat sa iba. Naging masaya rin kaming lahat dahil tapos na rin ang isa naming problema.
Hindi namin sukat akalain na magagawa namin ito, ng dahil na rin sa kakulangan sa preparasyon. Gayunpaman, isa lamang ang aking masasabi, nagawa namin ito dahil sa aming pagsisikap at ‘unity’.
--- --- ---